Ayon kay Panaligan, lumitaw sa inspeksiyong isinagawa ng City Engineers Office ng Pasay City na dispalinghado ang ilang rides ng Star City kabilang na ang pagkalaspag ng direct current motor ng bump car na sinakyan ng biktimang si Michaella Limuco, 3, at nagliyab dakong alas-7 kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Panaligan na kailangan niyang pansamantalang ipatigil ang operasyon nito matapos ang sunud-sunod na aksidente dito.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na sakay ang biktima ng bump car kasama ang kanyang lolang si Estrelita Limuco at tiyuhing si Christian Limuco nang biglang magliyab ang bump car at muntik nang masunog ang bata.
Dahil dito, nag-iiyak at nagpanic ang biktima na naging dahilan ng pagkakaroon nito ng trauma.
Matatandaan na sa Wild River rides naman ng Star City namatay ang 12-anyos na si Rachel Gem Suba matapos na mahulog.
Makikipag-ugnayan din ang city government sa may-ari ng Star City upang mabigyan ng sapat na suporta ang mga biktima.