Bomba natagpuan sa toll gate ng SLEX

Isang bomba na posibleng kumitil ng maraming buhay sakaling sumabog ang natagpuan sa toll gate ng South Luzon Expressway (SLEX), kahapon ng hapon sa Taguig City.

Sa sketchy report ng Taguig City Police, dakong alas-3 ng hapon ng matagpuan ang naturang bomba na nakabalot ng masking tape sa isang kahon.

Inilagay ito sa E-pass ng toll gate ng SLEX South Bound. Isiningit ito sa isang pader.

Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng iniwan ito ng hindi pa nakikilalang suspect para lamang manakot o di kaya ay maghasik ng karahasan.

Mabuti na lamang at agad itong namataan ng nakatalagang guwardiya sa SLEX kaya’t agad itong nagreport sa pulisya.

Mabilis namang nagresponde ang bomb squad ng Taguig City Police na siyang kumuha sa bomba at pinasabog sa isang bakanteng lote para hindi na makapaminsala pa.

Patuloy namang sinisiyasat ng pulisya ang insidente at inaalam kung sino ang posibleng may gawa nito. (Lordeth Bonilla)

Show comments