Personal na problema ang hinihinalang motibo sa isinagawang pagpapakamatay ni Vincent Meily, ng 1606 Cityland Wack-Wack Royal Mansion sa Mandaluyong City. Agad itong namatay sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.
Ayon kay Supt. Ericson Velasquez, hepe ng Mandaluyong police, idineklara na nilang sarado ang kaso matapos na hindi na nagsalita ang pamilya ng biktima sa ginagawang imbestigasyon sa pagkamatay nito.
Napag-alaman na naganap ang pagpapakamatay dakong alas-7:30 ng gabi matapos na samantalahin ng biktima ang pag-iisa niya sa loob ng kanilang unit at tumalon sa bintana nito. Laking gulat na lang ni Bennin Agre, duty guard ng condominium ng makarinig ito ng malakas na kalabog galing sa bubong ng isang unit sa ikatlong palapag.
Nang siyasatin ni Agre kung ano ang bumagsak ay nakita niya ang isang pares ng tsinelas kaya agad nitong tinawag ang iba pang niyang kasamang sekyu upang tingnan kung ano ang bumagsak at tumambad sa kanila ang halos lasog ng katawan ng biktima.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na madalas umanong nakikitang malungkot ang biktima nitong mga nakaraang araw subalit ayaw namang magbigay ng kahit anong detalye ng pamilya nito.
Pumayag na rin ang pulisya na isarado ang kaso at talagang suicide ang pangyayari sa hiling na rin ng pamilya dahil wala namang lumutang na testigo na nagsabing may foul play na naganap sa insidente. (Edwin Balasa)