Contingency plan ipinasusumite ng CHED sa PSBA

Inatasan kahapon ng Commission on Higher Education (Ched)ang Philippine School of Business Administration (PSBA) na magsumite ng kanilang contingency plan kung paano ang gagawin nitong solusyon para hindi maapektuhan ang maayos na pag-aaral ng kanilang mga estudyante sa oras na ipatupad ng local na pamahalaan ng Quezon City ang closure order laban sa unibersidad.

Ayon kay CHED Chairman Carlito Puno, bagamat walang direktang responsibilidad ang CHED sa kautusan na ipasara ang PSBA ay tungkulin naman ng ahensya na matiyak na hindi maapektuhan ang academics ng mga estudyante at hindi masasakripisyo ang edukasyon at ibinabayad na tuition fee para sa buong school year.

Aminado ang CHED na hindi sila tutol sakaling iutos ng lungsod ng Quezon City ang closure ng PSBA dahil kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante ang syang unang dapat na isinasaalang-alang, gayunpaman, dapat umanong magkaroon ng koordinasyon sa CHED para masiguro na tuluy-tuloy at hindi maapektuhan ang pag-aaral ng bawat isang estudyante.

Mananagot umano ang PSBA sakaling magpabaya ito sa obligasyon sa mga estudyante.

Matatandaan na una nang hiniling ng CHED kay Quezon City Mayor Feliciano "Sonny" Belmonte na magsagawa ng ocular inspection sa PSBA compound para mawala ang anumang agam agam ng mga estudyante at empleyado na maaaring gumuho ang kanilang gusali dahil sa mga hukay na ginawa sa pagitan ng taong 1988 hanggang 2002 dahil sa Yamashita treasure hunting.

Delikado ang mga hukay dahil tinakpan nang walang kasiguruhan sa katatagan ng pundasyon nito na naglalagay naman sa panganib sa may 5,000 estudyante at 300 empleyado nito. (Edwin Balasa)

Show comments