7-anyos naligo sa fountain falls, patay sa kuryente

Binawian ng buhay ang isang grade one pupil makaraang maligo at makuryente sa fountain falls sa harap ng isang sports complex nang sumama sa kanyang ama na mag-vigil upang suportahan ang nasuspindeng si Mayor Peewee Trinidad, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Patay na nang idating sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Reymer Musot, 7, ng 16 Torres St., ng nabanggit na lungsod.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:40 ng gabi sa Durham Falls na matatagpuan sa harap ng Pasay City Complex sa F.B. Harrison St.

Napag-alaman na isinama ang biktima ng kanyang amang si Roger para mag-vigil sa City Hall. Habang nasa vigil ang ama ay nakipaglaro naman si Reymer kay Rafael Espinosa, 9.

Ilang sandali pa ay natukso ang biktima na maligo sa fountain falls na doon naman tiyempong sumabog ang isang ilaw nito na naging dahilan upang makuryente ito. (Lordeth Bonilla)

Show comments