Ang mga dinakip na sina PO1s Luisito Barlis at Florante Deza na kapwa nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 17 ng Caloocan City Police.
Ang pag-aresto sa mga suspect ay bunsod ng iniharap na reklamo ng ginang na si Lorena Suela, residente ng #180 Julian Felipe St., Brgy. 12, Caloocan City.
Batay sa reklamo ni Suela, dakong alas-4:30 ng hapon noong Lunes, habang sakay umano siya ng isang pampasaherong jeep kasama ang isang kaibigan at habang tinatahak nila ang daan patungo sa Novaliches ay bigla silang pinara ng mga suspect at pinababa sa nasabing jeep.
Agad na dinala ng mga nabanggit na pulis sina Suela sa checkpoint ng PCP-17 at sinabihan sila ng mga ito na under surveillance umano sila at positibong naghahatid ng droga.
Maya-maya lang ay dumating umano ang isang babae na inutusan ng mga suspect na kumapkap kina Suela.
Nang negatibo sa droga sina Suela ay sinabihan umano siya ng mga suspect na "may pang-areglo ka ba?"
Dahil sa sobrang takot ay napilitan umanong magbigay ng P3,500 sa mga suspect si Suela at matapos nito imbes na umuwi ay agad na nagtungo ang huli sa Caloocan City Police at pinatala ang ginawang "panghuhulidap" sa kanya ng dalawang nabanggit na mga bagitong pulis.
Kahapon nga ay tuluyang isinampa ni Suela sa prosecutors office ang kaso na nagbunga upang arestuhin ang mga suspect. (Rose Tamayo-Tesoro)