Una nang kinumpirma ng whistleblower na si Dennis Bautista sa Senado na ang mga tanong na lumabas dito ay pareho sa test 3 at 5 ng exam. Sinabi ni Meneses na tututukan na ng ahensiya ang mga taong may kinalaman sa pagkalat ng leak at mga nakinabang dito kaya ipapatawag na nila ang 22 deans at mga reviewees na dumalo sa final coaching ng Inress Review Center.
Samantala, nais ni Senate President Manuel Villar Jr. na isailalim sa gobyerno ang pamamahala sa mga review centers lalo nat nabahiran ito ng mga anomalya dahil na rin sa tindi ng kompetisyon.
Ayon kay Sen. Villar, ang mahigpit na kumpetisyon ay nag-uugat din para gumawa ng mga labag sa batas na hakbang ang mga review centers para matiyak na marami ang papasok sa kanila katulad ng nangyari sa review centers para sa mga narses. Sa kanyang Senate Bill 2371, sinabi ni Villar na dapat dumaan sa supervision ng Professional Regulation Commission (PRC) ang paglisensiya ng lahat ng review centers kahit na anong kurso pa ito. (Danilo Garcia at Rudy Andal)