Ayon kay Chief Supt. Andres Caro II, director ng PNP-ASG, bagamat hindi nito pinangalanan ang tinurang "mysterious security expert," sinabi nito na kanya itong nakaharap at nakausap para linawin ang ilang napaulat na istoryang napalathala sa mga pahayagan.
Nabatid na inamin ng nasabing misteryosong lalaki na nagsagawa ng security test sa panimulang imbestigasyon na ang ipinuslit nito ay mga "dummy training materials" lamang upang mabatid kung ang mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa MDA ay mahigpit at kung ano ang kakayahan ng alert level na matukoy ang bomb components mula sa pag-iingat ng isang domestic flight passenger.
Tumangging magbigay pa ng iba pang detalye si Caro habang nakabimbin pa ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon.
Hiniling din ni Caro sa sinasabing anti-terrorism expert na itama ang napaulat na balita, na dummy bomb sa halip na live improvised explosive device ang nailusot nito.
Kaugnay nito, inatasan na ng PNP-ASG sa pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang lahat ng puwersa ng airport security personnel sa NinoyAquino International Airport at MDA na maging alerto 24-oras.
Batay sa impormasyong nakalap mula sa tanggapan ni MIAA general manager Alfonso G. Cusi, ang nasabing hakbang ay bilang paghahanda sa posibleng paghahasik ng kaguluhan ng ilang grupong teroristang lokal at dayuhan bilang "sympathy attacks" sa paggunita ng 5th anniversary ng 9/11 tragedy sa Estados Unidos.
Samantala, maaari umanong managot ang mga airport officials matapos na malusutan ng isang bomb expert na nakapagpasok ng bomba sa paliparan.
Ayon kay Justice Secretary Raul Gonzalez, kung mapapatunayan umano na mayroong kapabayaan sa kani-kanilang mga tungkulin ang mga airport personnel ay kailangang papanagutin ang mga ito.
Gayunman, sinabi pa ng DoJ chief na dapat muna umanong maimbestigahan ang insidente. (Butch Quejada at Grace dela Cruz)