Nangako si Trinidad na sa kanilang pagbaba ay magiging normal ulit ang sitwasyon sa Pasay City habang pansamantala silang mawawala kapag inihain ang inisyu na preventive suspension order ng Office of the Ombudsman laban sa kanila.
Tiniyak din ni Peewee na walang magaganap na kaguluhan sa kanyang hurisdiksyon sakaling maihain na sa kanila ang naturang kautusan.
Malaki naman ang paniniwala ni Peewee at ni vice-mayor Antonio Calixto; mga konsehal na sina Richard Advincula, Lexter Ibay, Jose Antonio Roxas, Ma. Antonia Cuneta, Noel Bayona, Arnel Regino Arceo, Editha Vergel de Dios, Marie Irish Pineda, Generoso Cuneta at Greg Paolo Alcera na isinasangkot sa umanoy P464.6 milyong anomalya sa kontrata ng basura na mawawalang saysay ang isinampang reklamo laban sa kanila ni Barangay Captain Juanito del Mundo.
Ikinatwiran pa ni Peewee na nakasaad umano sa ordinansa na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ang naturang kontrata at dumaan aniya ito sa tamang proseso.
Samantala, ayon naman kay P/S Supt. Marieto Valerio, hepe ng Pasay City Police na 80 porsiyento ang itinalaga niyang mga pulis sa besinidad ng Pasay City Hall upang magmantina sa peace and order dito.
Tiniyak din ni Valerio na bibigyan nila ng proteksiyon ang mga supporters ni Peewee na nagbi-vigil at nagra-rally sa harapan ng city hall.