Itoy sa kabila ng pahayag ng mga opisyal ng militar na nanlalamig na ang mga pagtatangka ng mga dismayadong sundalo na maglunsad ng coup d etat.
Gayunman ay patuloy pa rin ang ugong ng mga kudeta na posible umanong ilunsad ng mga dismayadong sundalo na tinaguriang "rightist" o yaong mga hindi malayong magsagawa ng pambubuyo sa kanilang mga kasamahan na sumama sa isang pag-aaklas upang mapatalsik sa kapangyarihan ang Pangulo.
Kahapon ay pinulong mismo ni AFP Camp Commander Brig. Gen. Alfredo Cayton ang tropa ng mga sundalo sa Grandstand ng Camp Aguinaldo, ang punong himpilan ng AFP.
Sa nasabing pagpupulong ay pinagsabihan ni Cayton ang ilang batalyon ng mga sundalo na dumalo rito na bantayang mabuti ang mga rightist nilang kasamahan at isumbong sa mga opisyal ng AFP kung may gumagalaw o nambubuyo sa mga ito para sa isang pag-aaklas.
Matapos pulungin ang mga sundalo ay nagdaos ng drill ang Task Force Aguinaldo bilang bahagi ng pag-alerto upang protektahan ang punong tanggapan ng gobyerno.
Ilang mga Armored Personnel Carrier (APC), military trucks kasama ang daang sundalo ang lumahok sa nasabing drill kontra coup plotters at mga destabilizer.
Kaugnay nito, muli namang binigyang-diin ni AFP Spokesman Major Gen. Jose Angel Honrado na hindi na muling magtatagumpay pa ang anumang pagtatangka na ibagsak ang gobyerno sa pamamagitan ng isang kudeta. (Joy Cantos)