Sa Caloocan, binaril ng pen gun sa leeg ang isang misis na company financial collector matapos na manlaban sa isang holdaper.
Nakilala ang nasawi na si Jocelyn Guabo, ng Champaca St., Brgy. Parang Marikina City.
Batay sa ulat, dakong ala-1 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Libis, Camarin, Caloocan City.
Sakay umano ang ginang sa isang pampasaherong jeep kasabay ang holdaper. Biglang naglabas ng pen gun ang suspect at nagdeklara ng holdap. Nabatid sa mga testigo na nang hahablutin na ng holdaper ang bag ng biktima na may lamang P15,000 koleksyon na dadalhin sa kompanya ay nanlaban ito.
Nairita ang suspect dahilan upang barilin sa leeg ang misis. Nang humandusay sa lapag ang biktima ay mabilis na kinuha ng suspect ang bag nito at saka tumakas.
Samantala, sa Pasig City isang 30-anyos ding lalaki ang nasawi makaraang barilin ito sa ulo ng isa sa tatlong armadong kalalakihan na nangholdap sa sinasakyan nitong FX taxi, kamakalawa ng gabi sa Pasig City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Rizal Medical Center ang biktimang si Joselito Maligalig, matapos na magtamo ng isang tama ng bala mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril sa ulo.
Samantala agad namang tumakas ang tatlong suspect matapos na makulimbat ang mahahalagang gamit ng iba pang pasahero at mapatay ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa Rosario Bridge kahabaan ng Ortigas Avenue ng lungsod na ito.
Si Maligalig na ang ika-tatlong biktima ng holdapan sa Rosario Bridge na pinatay sa loob lang ng ilang buwan. (Rose Tamayo-Tesoro at Edwin Balasa)