Tsinoy na utak sa operasyon ng shabu lab sa QC, nalambat na

Matapos ang dalawang taon na pagtatago sa batas, naaresto na kamakalawa sa Caloocan City ang Chinese national na itinuturong utak sa operasyon ng shabu laboratory sa Quezon City.

Ang suspect na si Lin Zhiong Jian, alyas Ben Lim, 49, residente ng 38 San Leribon St., Valenzuela City ay naaresto ng Anti-Illegal Drugs Operations Task Force dakong alas-2:30 ng hapon, habang naglalakad ito sa 4th Avenue sa Caloocan City.

Nabatid na si Lin ay may standing warrant of arrest sa sala ni Judge Agustin Dizon ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 80.

Si Lin ay miyembro umano ng "Tan Mico Group" na responsable sa operasyon ng shabu laboratory na sinalakay noong March 1, 2004 sa 193 Scout Chautoco St., Brgy. Obrero, Quezon City.

Nasamsam sa nasabing shabu lab ang may 30 kilos ng shabu at 7,440 kilo ng ephedrine, iba pang kagamitan at sangkap sa paggawa ng shabu na umaabot sa bilyong halaga.

Nagawang makatakas noon ni Lin at ng mga kasamahan nito sa nasabing raid, hanggang sa maaresto ang una kamakalawa sa Caloocan City.

Dahil sa pagkakaaresto kay Lin ay inaasahang madadagdagan pa ang listahan ng mga suspect na itinuturong sangkot sa operasyon ng nasabing shabu lab. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments