Most wanted ng CAMANAVA, timbog

Nagwakas na ang matagal na pagtatago sa batas ng itinuturing na most wanted criminal ng Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area na may pitong patung-patong na murder case at iba’t ibang uri ng heinous crimes makaraang maaresto na ito, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Leopoldo Bataoil ang suspect na si Bonifacio Bote Jr. alias "Bong Bottle", residente ng 173 Brillantes St., 5th Avenue, nabanggit na lungsod.

Si Bote ay naaresto dakong alas-6:45 kamakalawa ng gabi sa Block 5, Phase 3, Kaunlaran Village, Caloocan City ng NPD-DPIU operatives.

Inaresto ang nasabing suspect sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Adoracion Angelem ng Caloocan Regional Trial Court, Branch 121 sa kasong murder na may petsang December 9, 2005.

Base sa rekord ng korte, pinaslang ni Bote at ng isang Judel Gutierrez sa pamamagitan ng pananaksak ang isang Rosano Simangan noong Nobyembre 25, 2004 sa Caloocan City.

Bukod sa nasabing krimen ay suspect din si Bote sa anim na kaso ng pamamaslang maliban pa sa iba’t ibang uri ng heinous crimes.

Si Bote rin ang itinuturong gunman ng napaslang na anak ni PO2 Rene Calma ng DHSG-NPD at bumaril at malubhang ikinasugat naman ni Brgy. 20 chairman Dodo Bautista. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments