Sinabi ni State Prosecutor Romeo Seranilla, ang piskal na may hawak ng kaso ng Sr. Executive Consultant ni Atienza na si Noli Sugay na hanggang Setyembre 4 lamang ang ibinigay niyang taning sa respondent upang maisumite nito ang kanyang counter- affidavit.
Babala pa ni Seranilla na sakaling mabigo pa rin si Sugay na ihain ang kanyang counter-affidavit sa ibinigay nitong taning ay aaksyunan na nito ang nasabing kaso.
Una rito ay inisnab ni Sugay ang preliminary investigation sa kanyang kaso na idinaos noong August 23, makaraang isang mensahero lamang ang dumating at naghain ng motion for extension to file counter-affidavit.
Inihirit ng kampo ni Sugay sa DOJ na mabigyan ng karagdagang 15-araw para maisumite ang kanyang kontra salaysay o hanggang Setyembre 7, 2006.
Gayunman, napagkasunduan din ng kinatawan nito at abogado ng pamilya ng biktimang si Aries Luriz na isasagawa ang susunod na preliminary investigation sa Setyembre 4, araw ng Lunes, ganap na alas-2 ng hapon.
Magugunita na si Sugay ay una ng kinasuhan ng criminal sa DOJ ng mga naulila ng jeepney driver na si Luriz na sinasabing binaril at napatay ng una dahil lamang sa agawan sa paradahan ng kanilang mga sasakyan sa Dagupan, Tondo, Manila.
Tinangka pa umanong barilin ni Sugay ang nanay at kapatid na lalaki ni Luriz kaya ipinagharap din ito ng mga huli ng kasong frustrated murder. (Grace Amargo-dela Cruz)