Pabrika ng plastic nasunog: P6-M ari-arian naabo

Tinatayang aabot sa P6 milyong ari-arian ang nalusaw sa sunog na nagsimulang sumiklab sa isang pabrika ng plastic, kahapon ng madaling araw sa Valenzuela City.

Ayon kay Chief Inspector Nacario Agapito, fire marshal ng Valenzuela City, alas-2:57 ng madaling-araw nang magsimulang maglagablab ang Asiano Plastic Industries na pag-aari ng isang James Jim sa 16 Francisco St., Brgy. Maysan, ng nabanggit na lungsod.

Dahil sa malakas na ihip ng hangin ay mabilis na kumalat ang apoy dahilan upang madamay pa ang isang hardware store na pag-aari ng Merajisa Corporation.

Bunsod nito ay hindi na nag-atubili pa ang mga bumbero na gumamit ng isang espesyal na uri ng likido para apulain ang apoy mula sa mga nasusunog na plastic materials sa nasabing pabrika.

Umabot sa 5th alarm ang sunog na tumagal ng may dalawang oras. Wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa nasabing sunog. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments