Lover tinodas ng pulis bago nag-suicide

Matapos na patayin ang kanyang live-in partner, nagpakamatay din ang isang pulis-Maynila sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili makaraan ang isang mainitang pagtatalo, kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.

Kapwa hindi na umabot ng buhay sa Chinese General Hospital dahil sa tinamong mga tama ng bala sa ulo sina SPO1 Manolo Mendoza, 44, nakatalaga sa Manila Police District- Special Operations Group at ang kinakasama nito na si Michelle Mendoza, 34, kapwa ng 3215 Limay St., Bo. Obrero, Tondo.

Sa ulat ni Det. Ed Cabal ng MPD-Homicide Section, naganap ang malagim na insidente dakong alas-12 ng madaling-araw sa loob ng kuwarto ng mag-live-in sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Bago ang pamamaril, narinig pa ang pagtatalo ng dalawa sa hindi mabatid na dahilan.

Kasunod nito ay nakarinig na ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga kasambahay at kapitbahay ng dalawa at nang puntahan ang loob ng kuwarto ay nakita ang dalawa na kapwa nakahandusay at duguan.

Kapwa may tama ng bala ng baril sa ulo ang mag-live-in habang nasa tabi rin ng pulis ang kanyang service firearms na ginamit nito sa pagpapatiwakal.

Ayon sa ina ng pulis na si Aling Teresita, may malaki umanong problema sa pera ang kanyang anak na lubha nitong iniinda. Dahil dito, napansin ang pagiging bugnutin ng kanyang anak hanggang sa magkaroon na rin ng problema sa pagsasama nila ni Michelle.

Posible umanong humantong na sa sukdulan ang dinadala ng kanyang anak at dumagdag pa ang hindi pagkakaunawan sa ka-live-in kaya nabaril ito at magpasyang kitlin din ang kanyang sariling buhay.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring sinisiyasat ang naturang insidente. (Danilo Garcia)

Show comments