Liquid bomb mahirap matukoy

Dadaan sa butas ng karayom ang mga awtoridad sa bansa para matukoy ang anumang uri ng liquid bomb na siyang pinakabagong teknolohiyang planong gamitin ng internasyunal na teroristang grupo sa paghahasik ng terorismo tulad ng pambobomba sa buong mundo.

Ito ang inamin kahapon ni Philippine Bomb Data Center (PBDC) Chief Inspector Reynold Rosero kahit handang gumugol ng malaking halaga ang mga super power na bansa para matukoy ang liquid bomb ay malaki pa rin ang tiyansa na mabigo ang mga ito.

Nabatid sa opisyal na may kahirapang matukoy ang liquid bomb at kinakailangang ang mga eksperto ukol sa trabahong ito.

Sa rekord, ang nasabing uri ng pampasabog na naunang ginamit sa London, England kamakailan ay isang likido na may halong nitro glycerine na sangkap mula sa niyog, hexometaylne tri peroxide na galing naman sa herb bleach, disinfectant at dry acetone tri peroxide.

Malaki naman ang paniniwala ng kapulisan na posibleng inilunsad ng mga terorista partikular na ang Al-Qaeda ang liquid bomb upang mapagtagumpayan ang kanilang layunin na maghasik ng sindak sa buong mundo.

Alam umano ng mga teroristang ito na normal sa mga indibiduwal na magbitbit ng cologne, rubbing alcohol at anumang uri ng pampaganda sa kanilang bagahe na kung sakaling siyasatin sa mga public transport katulad ng trains at bus ay madaling makakalusot. (Joy Cantos)

Show comments