Nakilala ang nadakip na suspect na si Marlon Pugoy, alyas Marlon Canete, 27-anyos, tubong Surigao City. Nakumpiska sa kanyang posesyon ang anim na bomb devices na may "clock mechanism", 2 camera, 2 cassette recorders at isang cellular phone.
Sa ulat ng PCG-National Capital Region, nadakip si Pugoy nitong nakaraang Lunes dakong alas-9:45 ng umaga habang papasok ito sa Eva Macapagal Terminal pasakay sa SuperFerry 1 na patungong Surigao City.
Nang mapadaan sa x-ray machine, nakita sa kanyang bagahe ang mga wirings kaya hinarang ito ng mga tauhan ng Port Site Control. Ipinasa naman si Pugoy sa mga tauhan ng Task Force Marshall kung saan binuksan ang kanyang bagahe at nadiskubre ang naturang mga bomba.
Nang isailalim sa interogasyon, sinabi ni Pugoy na nakuha niya ang mga wires sa pinagtatrabahuhan na junk shop sa Culiat, Tandang Sora, Quezon City.
Hindi naman kapani-paniwala ang inilahad ni Pugoy matapos na kumpirmahin ng National Bureau of Investigation (NBI) na mga improvised bomb ang dala nito. Bukod pa rito, peke ang ginamit nitong pangalan sa kanyang tiket na Marlon Canete dahil Pugoy ang tunay nitong apelyido base sa kanyang sedula.
Kasalukuyan ngayon na isinasailalim sa masusing interogasyon si Pugoy upang mabatid ang kaugnayan nito sa bantang terorismo sa bansa. Una nang lumabas ang mga ulat na may tatlong suicide bomber ang gumagala ngayon sa bansa kung saan target na pasabuging muli ang SuperFerry, mga importanteng establisimento at paglikida sa ilang pulitiko.
Matatandaan na pinasabog ng grupong Abu Sayyaf na kilalang may kaugnayan sa Jemaah Islamiyah Group ang SuperFerry 14 noong 2001. (Danilo Garcia)