Batay sa ipinalabas na dalawang pahinang resolution na nilagdaan ni Supreme Court Chief Justice Artemio Panganiban, inatasan nito si National Bureau of Investigation (NBI) director Nestor Mantaring na dakpin si Atty. Josefina Pazziuagan-Olivete.
Nakasaad sa resolusyon na si Atty. Olivete ay matatagpuan sa 4-F Hilltop Drive Horseshoe Village, Quezon City.
Nabatid mula sa rekord ng SC na noong Pebrero 14, 2006 ang SC ay nagpalabas ng resolution na nag-aatas kay Olivete na magmulta ng P1,000 dahil sa naging kabiguan nito na magsumite ng proof of filing and service sa isang inihaing pleading para sa kanyang kliyente na nahaharap sa kasong kriminal.
Gayunman, natapos na ang taning na Marso 20, 2006 na ipinagkaloob sa abogada ay hindi pa rin nito sinunod ang nasabing kautusan.
Dahil ditoy, naging mahigpit si Panganiban sa utos na sa sandaling madakip si Olivete ay ikulong ito at huwag munang palayain hanggang hindi nagmumulta at nakapaghahain ng paliwanag.
Binigyan lamang ng sampung araw ang NBI para arestuhin ang naturang lady lawyer. (Grace dela Cruz)