Nalalagay ngayon sa balag ng alanganin si P/S Insp. Erwin Emelo, makaraang personal na "kumprontahin" ito ng mga kagawad ng National Police Commission (NaPolCom) hinggil sa pagpapasara nito ng Asistio St. sa Caloocan City at pag-iinuman nito at ng kanyang mga tauhan na naka-uniporme sa harapan mismo ng kanyang pinamumunuang presento.
Hindi pinakinggan ng NaPolCom ang katwiran ni Emelo na kaya lamang daw nila ginawa yun ay dahil sa kaarawan niya at nagpa-birth day party lamang siya.
Ayon naman sa NaPolCom hindi masama na magdiwang ng kaarawan at magsagawa ng birthday party o inuman ang mga pulis ngunit ilagay ito sa ayos, hindi sa panahon na naka-duty o naka-uniporme ang mga ito.
Maging si Caloocan City Police chief Sr. Supt. Geronimo Reside ay hindi nakaligtas sa "sermon" nang personal din na pinuntahan ito sa kanyang tanggapan ng mga kagawad ng NaPolCom nang mapatunayan na "present" din siya sa nasabing birth day party ni Emelo.
Ayon pa sa NaPolCom, command responsibility ni Reside na sawayin o pangaralan ang kanyang mga tauhan partikular na ang ganitong klase ng tiwaling mga gawain at napatunayang may pagkukulang dito si Reside lalo pa at labis na naapektuhan ang mga residente na umalma dahil sa pagpapasara ng nasabing kalye.
Samantala, sinuspende at ipinagharap na ng kasong administratibo si Emelo na nasa floating status ngayon. (Rose Tamayo-Tesoro)