Kinilala ang mga nasawi na sina Ernesto dela Pena, 42, ama ng tahanan at mga anak na sina Erlinda, 14; Ernie, 13; Erlyn, 7 at Erna, 3-anyos.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa San Juan de Dios Hospital ang misis ni Ernesto na si Norma, 42 at anak na si Jeremy 10, habang ang isa pang anak ng una na si Erica, 11, ay ginagamot naman sa Philippine General Hospital (PGH).
Himala naman walang kagalus-galos na nakaligtas ang bunsong anak ni Ernesto na si Ah-Ah, 2-anyos.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ni SFO1 Vicente Godinez, may hawak ng kaso, dakong alas-7 ng gabi nang masunog ang bahay ng mga biktima sa V. Mayor St., Malibay, Pasay City.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Pasay City Fire Dept. na nagsimula ang apoy sa unang palapag ng bahay sa dakong kusina nito.
Sinasabing nag-ugat ang sunog makaraang sumabog ang isang tangke ng liquified petroleum gas (LPG) at maglikha ito ng malaking apoy na mabilis na kumalat sa buong kabahayan ng mga dela Pena.
Bunsod ng malakas na ihip ng hangin ay nadamay sa nasabing sunog ang dalawa pang kabahayan sa nabanggit na lugar, maswerteng nakaligtas naman ang mga naninirahan dito.
Batay na rin sa ulat, umabot ng "Task Force Charlie" ang nasabing sunog na tumagal ng tatlong oras bago naapula.
Tinatayang umaabot sa P.3 milyong halaga ng mga ari-arian ang tinupok ng apoy. (Lordeth Bonilla)