Sinabi ni BI Commissioner Alipio Fernandez na ang pagsasailalim kay Roldan sa HDO ay bunsod ng kautusan ni Justice Secretary Raul Gonzalez.
Aniya, isang memorandum mula sa DoJ ang kanilang natanggap na nag-aatas sa BI na isama sa HDO list si Roldan. Nilinaw ni Fernandez na kahit pa napayagan ng korte na makapagpiyansa si Roldan sa kasong kidnap-for-ransom ay hindi nito magagawang makalabas ng bansa.
Kaugnay nito, nanawagan din ang pamilya ng batang biktima ng grupo ni Roldan na mabantayang mahigpit ang aktor dahil sa dami umano ng kontak nito ay baka makalusot sa mga awtoridad at tuluyang takasan ang kaso.
Sinabi naman ni Teresita Ang See, pinuno ng Movement for Restoration of Peace and Order na nangangamba ang pamilya ng biktima na makalabas ng bansa si Roldan kahit na may HDO katulad ng nangyari sa girlfriend nito na sangkot din sa kaso na si Suzette Wang.
Nakumpirma ng pamilya ng biktima na nakikita si Wang sa China at Hong Kong at ito ay nakalabas ng bansa sa kabila na mayroon din itong HDO.
Nakalasap ng kabiguan ang pamilya ng biktima noong Hulyo 25 matapos na payagan ni Judge Agnes Reyes-Carpio na makapagpiyansa si Roldan sa halagang P500,000. (Grace Amargo-Dela Cruz At Edwin Balasa)