Kasabay nito, pormal na naghain ng motion for inhibition ang prosecution panel laban kay Pasig RTC Branch 261 Judge Agnes Reyes-Carpio matapos na payagan nitong makapagpiyansa si Roldan, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay.
Sa walong pahinang motion to inhibit, kinuwestiyon ng prosecution ang desisyon ni Carpio na payagan si Roldan na makapagpiyansa ng P500,000. Kasabay nito binibigyan din ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 261 ng sampung araw si Roldan, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay para maghanap ng panibagong abugado matapos na mapag-alamang nag-withdraw na ang mga dating abugado nitong sina Sigfried Fortun at Karl Arian Castillo, anim na araw matapos na pagbigyan ng korte ang kahilingan ni Roldan na makapagpiyansa.
"A review of said order in the light of the evidence submitted by the Prosecution leads to the inescapable conclusion that they cannot expect a fair and impartial treatment from the Honorable Judge", saad naman ni Mario Ongkiko, council ng pamilya ng biktima.
Inihahalimbawa ni Ongkiko sa kanilang mosyon ang bigat ng testimonya ng suspect na naging state witness na si Albert Pagdanganan matapos na sabihin nito sa korte ang partisipasyon ni Roldan na siyang nag-plano ng kidnapping sa batang Yu noong Pebrero 9, 2005 sa Ortigas, Pasig hanggang sa ma-rescue ang biktima sa kanilang hideout sa Cubao, Quezon City.
Samantala ito ang unang pagdalo sa hearing ni Roldan na walang posas at walang kasamang mga pulis.Tangi lang nitong kasama ay ang kanyang dalawang anak subalit ang naging malaking katanungan ang pag-iwan sa kanya ng kanyang mga abugado.
Sa panayam kay Roldan sinabi nitong kahit siya ay hindi niya alam kung bakit nag-withdraw ang kanyang mga abugado na pawang galing sa Fortun, Narvasa and Salazar Law Firm. Hindi rin naman ipinaliwanag ng law firm ang dahilan ng withdrawal ng mga abogado. (Edwin Balasa)