Sa panayam kina PNP Director for Administration at Task Force Usig chief Deputy Dir. Gen. Avelino Razon Jr., at Northern Police District (NPD) director P/CSupt. Leopoldo Bataoil na kapwa rin dumalo sa libing ni Melendrez dakong alas-3 ng hapon sa Tugatog Public Cemetery sa Malabon City. Tahasang sinabi ng mga ito na may kinalaman nga sa droga, pulitika at paghihiganti ang pamamaslang kay Melendrez.
Sinabi pa nina Razon at Bataoil na ang naturang kumpirmasyon ay base na rin umano sa mga naging testimonya ng mismong naarestong isa sa mga gunman ni Melendrez na si Roberto Lopez.
Si Roberto Lopez, 36-anyos na pinsan ng unang naaresto at pinakawalang suspect na si Dodoy Lopez, alyas Ben Ladin ay siyang itinuturo ng mga saksi na huling lumapit at bumaril kay Melendrez, 41, photojournalist ng pahayagang Tanod.
Sinabi pa ni Bataoil na mahigpit na tinutulan noon ni Melendrez ang "raket" ng pamilyang Lopez sa ilegal na kuneksyon ng kuryente at tubig sa kanilang lugar na isa sa mga dahilan ng ikinagalit ng mga huli sa biktima.
Ilan din umano sa pamilya ng mga Lopez ang sangkot sa iligal na operasyon ng droga sa lugar nina Melendrez sa Phase 3, Gozon Compound, Brgy. Tonsuya ng Malabon na umanoy kinontra ng huli noong ito ay nabubuhay pa.
Sinasabi rin ng mga kaanak ni Melendrez sa isang panayam na isang mahigpit na "crusader" din si Melendrez laban sa talamak na iligal na pasugalan sa kanilang lugar na gaya na lamang umano ng video karera at isa umano ito sa posibleng dahilan ng paglikida sa biktima.
Pumasok naman ang motibong pulitika matapos na mapagkasunduan ng mga residente na kasapi ng Letre Urban People Homeowners Association (LUPHA) na si Melendrez ang pumalit na overall president ng asosasyon kapalit ng pinsan nitong si Albert Orsolino, photojournalist ng pahayagang SAKSI na tinambangan at pinaslang din noong May 16, 2006 malapit sa lugar kung saan pinaslang si Melendrez.
Ilan umano sa mga naging katunggali ni Melendrez ang nagtanim ng galit sa kanya matapos na makuha nito ang naturang posisyon.
Samantala, kinumpirma naman ni Bataoil na halos iisa ang motibo sa pamamaslang kay Melendrez at Orsolino.
Si Melendrez ay tinambangan at pinagbabaril ng tatlong armadong kalalakihan dakong alas-8:30 ng umaga noong July 31malapit sa bahay nito sa nabanggit na lugar sa Malabon City. (Rose Tamayo-Tesoro)