4 na holdaper nalambat sa checkpoint
August 4, 2006 | 12:00am
Nalambat ng mga tauhan ng Quezon City Police sa isang checkpoint ang apat na holdaper na responsable sa serye ng holdapan sa nabanggit na lungsod at karatig lugar. Nakilala ang mga nadakip na si Arnel Catubay, Maximo Dayto, Allan Munoz at Ronald Altura. Ayon sa ulat dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi nang masabat ng pulisya ang mga suspect sa kahabaan ng Bonifacio Avenue sa La Loma, Quezon City. Nabatid na nasita sa isang checkpoint ang mga suspect habang lulan ng kotseng Nissan Saloon na may plakang TNE-844 at nakuha mula sa mga suspect ang tatlong .38 caliber at isang .357 revolver, mga balisong, wig at iba pang gamit sa panghoholdap. Sa isinagawang interogasyon inamin ng mga suspect na sangkot sila sa panghoholdap sa Sea Oil Gasoline Station sa Bonifacio Avenue noong Hulyo 16, sa Mighty Mart Convenience Store sa Retiro, La Loma at LBC Branch sa Bonifacio noong Hulyo 21. (Angie dela Cruz)
Isang 24-anyos na lalaki ang nasawi makaraang pagtulungang saksakin ng isang grupo ng kalalakihan sa naganap na gangwar, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City. Nakilala ang biktima na si Marlon Estores. Samantalang naaresto naman ang isa sa mga suspect na si Ricky Oladine, 21. Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi ng maganap ang gang war sa pagitan ng grupo ng biktima at mga suspect sa kahabaan ng Blk. 38, Welfareville Compound ng nabanggit na lungsod. Nabatid na nagpapatila ng ulan sa isang carinderia ang biktima kasama ang iba pang ka-grupo ng bigla na lamang itong lapitan ng grupo ni Oladine at suntukin ang isa sa mga ito. Nagkaroon ng rambulan hanggang sa tumakbo ang grupo ni Estores subalit hinabol pa rin ito ng kabilang grupo. Nang masukol ang biktima ng mga suspect na pawang armado ng itak at patalim ay agad itong pinagsasaksak hanggang sa mapatay. Tumakas ang mga suspect, subalit nadakip si Oladine sa isinagawang follow-up operation. (Edwin Balasa)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended