Kinilala ni Northern Police District (NPD) director P/Chief Supt. Leopoldo Bataoil ang naarestong suspect na si Antonio "Dodoy" Lopez, alyas "Ben Ladin", 41, kumpare at kapitbahay ni Melendrez sa Phase 3, Gozon Cmpd., Brgy. Tonsuya, Malabon City.
Nagbunga ang pagkakaaresto kay Ben Ladin makaraang mabasa ang liham na iniwanan ni Melendrez sa kanyang misis na si Mary.
Nabatid sa panayam kay Mary na isang sulat na may petsang June 14, 2006 ang iniwanan sa kanya ng biktima bago pa man ang pamamaslang sa huli.
Mahigpit na ipinagbilin umano ni Melendrez kay Mary na agad ibigay sa mga kinauukulan ang naturang liham at buksan sa oras na may mangyaring masama sa kanya.
Nakasaad sa nasabing liham na nakapangalan kina Gen. Bataoil, Col. Ramos at Col. Guevarra ang mga katagang "Day, (tawag ni Melendrez kay Mary), pakibigay mo itong sulat kina Gen. Bataoil, Col. Ramos at Col. Guevarra sakaling may mangyari sa akin, ito lang dalawa ang dapat na managot, sina pareng Dodoy Lopez alyas Ben Ladin at Malaki ang kutob ko na sila pareng Dodoy ang pumatay kay Insang Orsolino. Wala tayong laban dahil mayaman ang amo nila."
Ginawa umano ni Melendrez ang nasabing liham matapos na makatanggap ito ng sunud-sunod na pagbabanta laban sa mga nabanggit na suspect.
Sa panayam kay Malabon City Police chief P/S Supt. Moises Guevarra, hindi muna ipinapabanggit ang pangalan ng isa sa mga suspect na nakasaad sa nasabing liham upang hindi maapektuhan ang isinasagawang pursuit operation laban sa mga nalalabing suspect.
Ayon naman kay Bataoil, naging susi ang nasabing liham upang mahubaran ng maskara ang mga taong nasa likod ng pamamaslang sa Malacañang beat photojournalist na si Albert Orsolino noong May 16, 2006 na tinambangan sa halos iisang lugar sa Malabon City kung saan tinambangan din dakong alas-8:30 kamakalawa ng umaga ang pinsan nito na si Melendrez, 41, at photojournalist ng pahayagang Tanod sa CAMANAVA area.
Buo rin ang paniniwala ni Bataoil na iisa ang "mastermind" sa pamamaslang kay Orsolino at Melendrez. (Rose Tamayo-Tesoro)