Tsinay kinatay ng helper

Kinatay ng isang katulong ang kanyang among Tsinay matapos na 20 ulit na tarakan ng ice pick ng una ang huli nang mabuko ang tangkang pagnanakaw nito, kahapon ng umaga sa Binondo, Maynila.

Patay na nang idating sa Metropolitan Hospital ang biktimang si Sze Haw-Ling, 43, ng Room 9-C. Elcano Tower 736 Caballero St., Binondo, Maynila.

Nagsasagawa naman ng manhunt operation sa Norzagaray, Bulacan ang mga kagawad ng Manila Police District (MDP)-Homicide Division para sa ikadarakip ng suspect na nakilala lamang sa alyas na "Noel Alcala", nasa gulang na 20-25, tubong Bulacan.

Sa ulat ni Det. Richard Lumbad ng MPD-homicide division, tinatayang sa pagitan ng alas-8:30 hanggang alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng unit ng biktima sa nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon, una nang nakarinig ng ingay sa loob ng unit ng biktima subalit hindi naman ito napag-ukulan ng pansin. Hanggang sa makita ang papatakas na suspect na hinabol pa umano ng janitor ng gusali ngunit mabilis na itong nakalayo.

Nang dumating lamang ang ilang kaanak ng biktima ay doon lamang natuklasan ang insidente.

Duguang nakahandusay ang biktima at tadtad ng saksak ng ice pick sa katawan.

Ayon sa Scene of the Crime Operations (SOCO), nagtamo ng 20 tama ng saksak sa katawan ang biktima.

Idinagdag pa ng SOCO na posibleng nanlaban ang biktima dahil sa pasa nito sa kanyang mga kamay.

Pagnanakaw ang tinitingnang motibo sa isinagawang pagpaslang. (Danilo Garcia)

Show comments