Dead-on-arrival sa Dr.Victor Potenciano Medical Center ang biktimang si Yongchan Kim, pansamantalang nanunuluyan sa 144 Pioneer CityLand Condominium, Pioneer St., Brgy. Ilaya ng nasabing lungsod na pagmamay-ari ng kanyang kaibigang si Youmsung Lee.
Ayon kay P03 Romerico Sta. Maria, naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng hapon matapos na magtangkang tumalon si Kim sa ika-apat na palapag ng tinutuluyang condominium ngunit ang nasabing pagpapakamatay ay agad namang napigilan ng kanyang mga kaibigang sina Lee at pulis na nakilalang si P03 Jimenez ng Manila Police District at agad na ibinaba ang biktima sa pagkakapatong sa bintana.
Subalit matapos na mailigtas ang biktima ay laking gulat na lang ng dalawa nitong kaibigan nang bigla itong magkikisay kaya agad nila itong itinakbo sa pagamutan subalit wala na itong buhay nang idating doon.
Napag-alaman pa sa isinagawang imbestigasyon ni Sta. Maria na bago ang tangkang pagpapakamatay ng biktima ay uminom ito ng apat na banig o 40 piraso ng Korean sleeping pills na "Arlico Doxylamine Succinate Tablet" matapos na malamang nalulugi na ang itinayong negosyo sa Korea.
Hindi umano akalain ng mga kaibigan ng biktima na inubos nito ang nasabing tableta at ang akala nila ay uminom lang ito ng dalawang piraso matapos ang pagkakaalam ng masamang balita. "Sabi ng Koreanong kaibigan ng biktima ay lagi daw itong umiinom ng isa o dalawang tableta ng gamot para raw pampakalma pero hindi nila akalain na inubos pala nito ang apat na banig nang malamang nalugi yung ipinatayong negosyo sa Korea," pahayag ni Sta. Maria.
Nakuha sa kuwarto ng biktima ang tatlong-pahinang suicide note nito na nakalagay sa wikang Korea na nagsasaad ng pakikipagbati nito sa anak na nasa kanilang bansa at paghingi ng tawad sa mga mahal sa buhay dahil sa ginawa. Subalit upang makatiyak na walang foul play na naganap ay kasalukuyang ipinapa-awtopsiya ng mga kagawad ng Mandaluyong police ang bangkay ng biktima sa PNP Crime lab sa Camp Crame. (Edwin Balasa)