Cameraman ng RPN-9 patay sa holdap

Isang cameraman ng RPN-9 ang pinagbabaril hanggang sa mapatay makaraang holdapin ito ng dalawang armadong suspect na sakay ng isang motorsiklo, kahapon ng tanghali sa Caloocan City.

Nakilala ang biktima na si Ralph Ruñez, 35, ng 2361 Joseph Avenue, Admin Site, Brgy. 186 Tala, nabanggit na lungsod.

Ayon sa ulat, sinabi nito na dakong alas-12 ng tanghali nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima sa nabanggit na lugar.

Nabatid na kabababa lamang ng biktima mula sa isang pampasaherong jeep nang biglang sumulpot sa kanyang harapan ang dalawang suspect at nagdeklara ng holdap. Agad na inagaw umano ng mga suspect ang back-pack ng biktima na naglalaman ng P25,000 at pagkatapos ay agad siyang pinaulanan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan gamit ang .45 kalibre ng baril bago tuluyang tumakas ang mga ito.

Sinubukan namang dalhin ng mga saksi ang biktima sa ospital ngunit minalas na hindi na ito umabot pa ng buhay.

Patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon para alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspect para sa agarang pagkakaaresto ng mga ito. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments