Sa isinagawang interview, sinabi ni See na dapat maimbestigahan si Judge Agnes Carpio ng Branch 261 ng Pasig RTC.
Ayon kay See, sa kabila umano ng matibay na ebidensiya laban kay Roldan, Mitchell Gumabao sa tunay na buhay, matapos itong kilalanin ng 3-anyos na biktimang si Kenshi Yu at pagkasakote rito sa akto ay pinalaya ito ng korte sa kabila na isang non-bailable offense ang kasong kinasasangkutan nito.
"Ang lalong concern namin ngayon ay ang lalo pang pagtaas ng kaso ng kidnapping. Nauna nang ibinasura ang parusang kamatayan, tapos eto pa ang isa kahit solido ang ebidensiya napapalaya ang mga sangkot", pahayag pa ni See.
Magugunitang tuluyang nakalaya si Roldan kamakalawa matapos na magpiyansa ng P.5-M.
Idinagdag pa ni See na nabalitaan nila na nakalabas na ng bansa ang sinasabing pinaghahanap na girlfriend ni Roldan.
Nagpahayag pa ng pagkabahala si See sa malaking posibilidad na tumaas ang insidente ng kidnapping sa paglaya ni Roldan dahilan hindi umano matatakot ang mga big-time KFR gang na mangidnap kung makakalaya naman sila dahilan sa mga iregularidad.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni PNP chief Director General Oscar Calderon na bibigyan nia ng proteksyon ang pamilya ng biktima dahilan sa pangamba ng mga ito na buweltahan sila ng grupo ng dating solon.
Magugunita na si Roldan ay nasakote kasama ang iba pang kidnapper sa isinagawang matagumpay na rescue operation kay Yu ng mga elemento ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) noong nakalipas na taon. (Joy Cantos)