Ayon sa isang impormante mula sa isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nai-check na nila sa Firearms and Explosive Division sa Camp Crame kung lisensiyadong gunholder si Jose Noli Sugay subalit natuklasang wala ang pangalan nito sa listahan.
"Dahil sa hindi siya licensed gunholder, nangangahulugan ito na ilegal ang pagdadala niya ng baril", pahayag pa ng impormante.
Ang ama lamang umano nito na si Jose Sugay Sr., ang nasa listahan subalit patuloy pa rin nilang susuriin kung ang ginamit na .45 pistol ni Noli Sugay sa pamamaril kay Aries Lurez ay pag-aari ng kanyang ama.
Magugunita na binaril at napatay ni Sugay si Lurez noong Hulyo 12 dakong alas-6:30 ng gabi sa harap ng bahay nito na matatagpuan sa panulukan ng Dagupan at Coral St. Tondo, Maynila dahil lamang sa naharangan ng huli ang sasakyan ng una.
Sinuspinde naman ni Mayor Atienza si Sugay matapos ang sunud-sunod na batikos na tinamo.
Nagpalabas na rin ng hold order ang DoJ laban kay Sugay. (Gemma Amargo-Garcia)