7 ‘tulak’,timbog sa drug raid

Pitong drug pusher ang inaresto sa isinagawang drug raid ng PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force sa Taytay, Rizal na pinaniniwalaang pinaglipatan ng "shabu tiangge" na natuklasan kamakailan sa Pasig City.

Nakilala ang nadakip na sina Tong Daud at ang kanyang asawa na si Pujay Uzman, Tal Samal (Koran Preacher), Tausing Daud, Moharsid Usman at dalawa pang menor-de edad.

Ayon kay Director Marcelino Ele Jr., ng AIDSOTF na isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Antonio Eugenio Jr., ng Manila Regional Trial Court Branch 24.

Sa ulat, isinagawa ang raid dakong alas-9 ng umaga at natapos dakong ala-1 ng hapon sa tatlong bahay sa Brgy. Sta. Ana, Taytay, Rizal matapos na makatanggap ng impormasyon na dito inilipat ang nabulabog na operasyon ng shabu sa "shabu tiangge" sa Mapayapa Compound sa Brgy. Sto. Tomas, Pasig.

Nakuha sa mga nadakip ang may 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P.3 milyon. (Edwin Balasa)

Show comments