P30-M shabu nasabat sa Caloocan raid

Umiskor ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Caloocan City Police matapos masamsam ang may 7.5 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng may P30 milyon sa isinagawang drug-bust sa isang hinihinalang illegal drug market sa Caloocan City, kahapon ng umaga.

Gayunman, sinabi ni PDEA chief ret. Gen. Dionisio Santiago, nabigo ang kanyang mga tauhan na masakote ang pinaghihinalaang big-time drug dealer na tinukoy sa pangalang Bong Romoros-Domato na siyang target ng kanilang search warrant.

"Agad naming nakita ang mga plastic sachets ng shabu nang pasukin namin ang warehouse," ayon kay Senior Supt. Abe Lemos, ng PDEA Metro Manila Regional Office.

Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Ruben Roxas ng Manila Regional Trial Court pasado alas- 5 ng umaga sa bodega ng shabu na matatagpuan sa Bagong Silang District ng nabanggit na lungsod.

Nasamsam sa loob ng bodega ang may 7.5 kilo ng shabu, isang cal. 22 rifle, isang magazine para sa cal. 45 pistol at timbangan na gamit sa operasyon.

Ayon pa kay Lemos, ang nasabing shabu ay nakita sa isang inabandonang bodega na ginawa umanong ‘one stop market’ ng isang sindikato ng droga na pinamumunuan ni Domato.

Nakuha rin sa lugar ang mga drug paraphernalias at mga kagamitang gamit sa pagre-repake sa shabu.

Isinagawa ang raid matapos na makatanggap ng tip ang mga awtoridad buhat sa isang nasakoteng ‘tulak’ tungkol sa nasabing ‘one stop shop’ ng grupo kaya’t agad na isinagawa ang operasyon.

Nagpapatuloy naman ang isinasagawang manhunt operation ng PDEA operatives upang masakote si Domato at iba pang kasamahan nito sa sindikato. (Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments