Isang 76-anyos na lola ang malubhang nasugatan nang gawing hostage ng tatlong kilabot na holdaper makaraang makorner ng mga pulis sa isinagawang operasyon kamakalawa sa Quezon City. Nakilala ang sugatang biktima na si Rosario Sato, ng Sta. Catalina St., Brgy. Holy Spirit samantalang agad namang nahuli ang mga suspect na sina Reden Francisco, 29; Arsenio Guzman, 34 at Roberto Lugto, 36. Nabatid na isang FX na may plakang UPR-341 ang ginagamit ng mga suspect sa kanilang operasyon. Bukod sa hoholdapin ang kanilang mga isinasakay na pasahero ay paghihipuan pa rin ng mga ito sa maseselang bahagi ng kanilang katawan ang mga babaeng biktima. Nabatid na naaktuhan ng mga awtoridad ang mga suspect na nagtangka pang tumakas at nang makorner ay ginawa pang hostage si lola Rosario. Inihahanda na ang kaso laban sa mga nadakip na suspect.
(Angie dela Cruz) Red house sinalakay: 4 na dalagita nasagip |
Arestado ang isang 45-anyos na lalaking maintainer ng isang red house makaraang salakayin ng pulisya ang bahay nito na doon ipiniit ang apat na dalagita na ginagamit nito sa negosyo kahapon ng madaling araw sa Marikina City. Ang nasagip na mga kabataan ay nasa gulang na 14-17 -anyos. Nabatid na bukod sa ginagawang prosti ng suspect na nakilalang si Marte dela Paz ng 13 Gowe St. J.M Basa, Brgy. Calumpang ng nabanggit na lungsod ang mga nene ay siya muna ang unang gagamit sa mga ito. Nabatid na natuklasan ang gawain ng suspect makaraang makatakas sa kanya ang isa pang biktima na siyang nagsumbong sa pulisya. Bukod dito, pinapagamit pa rin daw ng shabu ng suspect ang mga biktima bago ibenta sa kanyang mga kostumer.
(Edwin Balasa) Witness protection apela ng VACC sa pamilya Luriz |
Umapela na ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa mga awtoridad na bigyan ng proteksyon ang pamilya Luriz at iba pang mga saksi sa pamamaslang sa jeepney driver ng umanoy mataas na opisyal ng Manila City Hall dahil sa pangamba sa seguridad ng mga ito. Sinabi ni Dante Jimenez, pangulo ng VACC na nangangamba siya sa kaligtasan ng pamilya Luriz at mga saksi sa sinasabing maimpluwensiya umano ang suspect na si Noli Sugay, special executive assistant ni Manila Mayor Lito Atienza at baka mauwi sa wala ang naturang ipinaglalabang kaso. Magugunitang ayon sa mga testigo malapitang binaril sa ulo ni Sugay ang biktimang si Aries Luriz, 27, ng Dagupan St. Tondo dahil lamang sa parking. Ayon naman sa pulisya, hindi agad mabibigyan ng proteksyon ang pamilya Luriz dahil sa kailangan pa muna itong hilingin sa DOJ para maisailalim ang mga saksi sa witness protection program.
(Danilo Garcia)