Sa isinumiteng reklamo ni Atty. William Merginio, abogado ng pamilya ng biktimang si Aries Luriz, sinabi nito na dapat lamang masampahan ng nasabing kaso ang Senior Executive Consultant ni Manila Mayor Lito Atienza na si Nolie Sugay makaraang barilin nito sa mata ang biktima na naging sanhi ng kamatayan nito.
Samantala, umalma naman ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa ulat na pagbibigay pabor at proteksyon kay Sugay.
Hugas-kamay si MPD director Chief Supt. Pedro Bulaong na umanoy pagpapabaya nang hindi arestuhin si Sugay at hayaang makaalis matapos na dumalaw sa kanyang opisina sa MPD Headquarters noong nakalipas na Biyernes.
Sinabi ni Bulaong na hindi nila maaaring arestuhin si Sugay dahil sa wala pa namang pormal na kaso na inihahain ang pamilya ng biktima sa kanilang tanggapan, itoy sa kabila na nagharap na ng reklamo ang ina ng biktima sa NBI.
Ayon sa pamilya ng biktima, isang pag-abuso ang ginawang pamamaril ni Sugay sa biktima at sa kapatid nitong si Alex at maging ang ina ng mga ito na si Aling Rosario ay tinutukan din ng baril.
Idiniretso ng pamilya ng biktima ang paghaharap ng kaso sa DOJ laban kay Sugay dahil sa pangambang kung sa Maynila ito isampa ay gamitin ng suspect ang kanyang impluwensiya sa city hall.
Sa pinakahuling ulat, sinuspinde na kahapon ni Mayor Atienza si Sugay. Base sa isang pahinang memorandum order ni Atienza nilagay nito sa 60 days preventive suspension order si Sugay. (Grace Amargo dela Cruz , Danilo Garcia at Gemma Amargo Garcia)