Sa panayam kay P/Supt. Napoleon Cuaton, deputy chief of police ng Caloocan City, ang naturang mga kaso ay isinampa na kamakalawa ng umaga ng pamilya ng mga biktima laban sa mga suspect na sina P/Insp. Jose Brendo Macapaz; SPO1s Reynaldo Adriano Parco, Reynaldo Buan; PO3 Alfonso de Guzman; PO2s Joey Melanez, Rommel Demaguiba at PO1 Nestor Abad.
Magugunita na dakong ala-1 ng madaling-araw noong Hunyo 24 nang pagbabarilin ng mga itinuturong suspect ang apat na kabataan sa panulukan ng Roxas St. at Katipunan Avenue, Brgy. 42, Caloocan City.
Sa pahayag sa pulisya ng mga nakasaksi sa nasabing insidente, kasalukuyang naglalakad ang mga biktimang sina Frenze Bryan Pichay, 15; Carlo Tajuma, 21; Rey Floyd Turla, 15; at Nathaniel Dionisio, 14, sa nabanggit na lugar upang kumain sana sa isang fast food chain nang biglang dumating ang mga suspect na pawang sakay ng isang passenger type jeep na may plakang DWP-683 at agad na pinagbabaril ang nabanggit na mga kabataan.
Agad na nasawi sa nasabing insidente sina Pichay at Tajuma sanhi ng maraming tama ng bala sa dibdib at likurang bahagi ng kanilang katawan, habang kritikal namang dinala sa National Orthopedic Hospital sina Turla at Dionisio.
Narekober ng Scene of the Crime Operations (SOCO), ng Caloocan City Police sa pinangyarihan ng insidente ang mga empty shells ng M16 rifle at 9mm pistol na ginamit ng mga suspect sa pamamaril sa mga biktima na tumakas matapos ang insidente sakay ng kanilang jeep.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan City Police na napagkamalan umano ng mga suspect na sangkot sa gang war ng "SWAK MATI Gangster" at True Brown Style" ang mga nasabing biktima na unang itinawag sa kanilang himpilan sa station-7 ng MPD, kung kayat rumesponde umano ang mga ito sa nasabing lugar.
Ayon na rin sa mga saksi, sa halip na hanapin ang mga sangkot na grupo at payapain ang mga ito ay ang nasabing mga kabataan ang niratrat ng mga suspect na positibong kinilala ng mga saksi na pawang mga nabanggit na pulis ng station-7 ng MPD. (Rose Tamayo-Tesoro)