Namatay noon din ang biktimang nakilalang si PO1 Rogelio Villarta, tauhan ng Regional Special Action Unit (RSAU), habang isinasailalim naman sa imbestigasyon ang suspect na si PO2 Recarte Santiago matapos na madakip ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Traffic Management Group (TMG).
Batay sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Quezon City Police District-Criminal Investigation Division (QCPD-CID), naganap ang insidente dakong ala-1:10 ng madaling-araw sa footbridge sa kanto ng Aurora Blvd. at EDSA sa Cubao ng nasabing lungsod.
Ilang bystander ang nakarinig ng putok ng baril mula sa footbridge at nang usisain ay nakita nilang nakabulagta ang biktima habang papatakas naman si Santiago.
Napansin naman ng mga tauhan ng TMG ang komosyon kung kayat hinabol si Santiago.
Subalit ayon sa suspect isang lalaki na may kasamang babae na kanilang nakasalubong ang bumaril sa biktima nang hindi umano nagustuhan nito ang tingin ng biktima sa kasamang babae.
Tinitigan umano ng biktima ang babae na ikinainis ng hindi pa nakikilalang suspect hanggang sa agawin nito ang baril ng biktima at iputok dito.
Ngunit sa teorya ng mga awtoridad, hindi umano iiwanan ni Santiago ang biktima kung iba ang bumaril dito. Gayunman, isasailalim pa rin sa ballistic test at paraffin test ang suspect upang mabatid kung si Santiago ang responsable sa nasabing krimen.
Nabatid pa na galing sa isang bar ang dalawang pulis bago naganap ang insidente. (Doris Franche)