Hindi na nakatakas pa sa pulisya ang notoryus na magkapatid na pumatay sa isang padre de pamilya matapos na masakote sa kanilang lungga na pugad ng mga kriminal sa Tondo, Maynila. Nakilala ang mga nadakip na magkapatid na sina Elvin at Erwin San Juan, kapwa residente ng Tahimik St., Del Pan, Tondo. Ang dalawa ay pangunahing suspect na pumaslang sa biktimang si Manuelito Lanugan noong nakaraang Agosto 2005 sa naturang lugar. Ayon sa ulat, nabatid na hindi umano maaresto ang dalawa dahil sa walang pulis ang nagtatangkang pumasok sa lugar na kilalang pugad ng mga kriminal. Hindi naman nawalan ng loob ang mga tauhan ni Supt. Marcelino Pedrozo ng MPD-General Assignment Section at pinasok ang pinaglulunggaan ng dalawa. Dala ang arrest warrant at dinakip ng pulisya ang magkapatid na nagtangka pang tumakas subalit nakorner din matapos ang isang habulan.
(Danilo Garcia) Trike driver tinarakan ng trader at sekyu nito |
Malubhang nasugatan ang isang 28-anyos na tricycle driver makaraang saksakin ng isang negosyante at security guard nito matapos ang mainitang pagtatalo, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City. Nakaratay ngayon sa Philippine General Hospital si Jimmy Vergara ng RBM Compound Bagumbong ng nabanggit na lungsod, habang pinaghahanap naman ang mag-among suspect na sina Loreto Riamson, 55 at security guard na si Carlos Lachica, 36, kapwa ng Caloocan City. Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa kahabaan ng Bagumbong Road sa harap ng gate ng Villa Luisa Subdivision ng nasabing lungsod. Nabatid na bago ang pangyayari ay unang nagtungo ang biktima sa beauty parlor na pag-aari ni Riamson para sunduin ang kanyang kinakasama na si Imelda Medes subalit tumanggi ang babae na naging dahilan ng mainitang pagtatalo. Habang nagtatalo ang mag-live-in ay biglang nakialam si Riamson dahilan upang pagsalitaan ito ng hindi maganda ng biktima bago mabilis na sumakay ang huli sa kanyang tricycle at mabilis na umalis. Habang naghihintay ng pasahero ang biktima ay namataan nito sina Riamson at Lachica na papalapit sa kanya kung kaya agad nitong kinuha ang isang tubo at saka kinompronta ang mag-amo. Nasa kainitan ng pagtatalo ng biglang undayan ng saksak ang biktima ng mag-amo bago mabilis na nagsitakas. Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang dalawang suspect.
(Rose Tamayo-Tesoro) Lolo tinaga ng sinitang kapitbahay |
Kritikal ang isang 60-anyos na lolo na pinagtataga ng kanyang kapitbahay dahil lamang sa linya ng kuryente, kamakalawa ng gabi sa Navotas. Ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tinamong sugat sa dibdib ang biktimang si Gaudencio Bandoquillo, habang nakilala naman ang suspect na si Lucrecio Turclap, 54, at kapitbahay ng una. Batay sa ulat ng Navotas Police, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insidente hindi kalayuan sa bahay ng biktimang lolo. Nabatid na sinita ng biktima ang suspect dahil sa pagputol nito sa linya ng kanyang kuryente na mariin namang pinabulaanan ng huli hanggang sa mairita ang una. Dahil sa patuloy na paninita umano ng biktima ay tumalikod at umuwi na lamang ang suspect sa kanilang bahay bagamat sa pagbalik nito ay bitbit na ang isang 17-pulgadang jungle bolo at walang pakundangan na pinagtataga ang una. Duguang humandusay ang biktima habang nagtangka pang tumakas ang suspect pero nadakip din ng nagpapatrulyang tanod.
(Rose Tamayo-Tesoro)