Sinabi ni Bautista na matagal nang hindi pinapayagan ang drag racing sa lungsod dahil na rin sa panganib na dulot nito ngunit patuloy na nakakalusot ang ilang mga pasaway na kabataan na mahilig magkarera ng kanilang mga sasakyan partikular na sa madaling-araw.
Bukod sa panganib ay nakakaistorbo pa ang ingay ng mga sasakyan ng mga ito sa mga natutulog ng mga kabahayan sa lugar na kanilang pinagsasagawaan ng karera.
Kaugnay nito, isang resolusyon ang pinag-aaralan ngayon ng Sangguniang Panglungsod upang higit na patalimin ang pangil kaugnay sa batas na nagbabawal sa drag racing.
"Ang problema kasi dito, masyadong malambot ang parusa kaya ganun-ganon na lamang kung balewalain ng mga kabataan na kadalasan ay kabilang sa mayayamang pamilya", pahayag pa ni Bistek.
Sa kasalukuyan, sa ilalim ng local government code, isang taong pagkabilanggo lamang at multang P5,000 ang ipinapataw na parusa sa mga nasasangkot dito, kung maitataas ang parusa siguradong magkakaroon ng takot ang mga gumagawa nito.
Hinikayat ni Bautista si CPD director Nicasio Radovan na patindihin ang police visibility upang mapalakas ang kampanya laban sa drag racing sa lungsod, gayundin sa mga street crimes. (Angie dela Cruz)