Halos hindi na makilala pa sanhi ng labis na pagkatusta ang ginang na nakilalang si Aileen Taneo, 24, ng Kadima St., ng nabanggit na lungsod nang marekober ng search and rescue team ang sunog na bangkay nito sa natupok niyang bahay.
Habang isinusulat naman ang balitang ito ay patuloy pa ring ginagalugad ng search and rescue team ang mga natupok na kabahayan sa nabanggit na lugar upang hanapin ang isang 12-anyos na batang babae na kinilala lamang sa pangalang Roseann at isang lalaki na kinilala lamang sa pangalang Sonny, 34.
Isang bumbero naman ng Caloocan City fire station na si FO3 Alfredo Santos ang nagtamo ng 1st degree burn makaraang tamaan ito ng nagliliyab na sumabog na tangke ng LPG.
Sa panayam kay Chief Inspector Rod Reyes, Malabon City fire marshal, dakong alas-4:30 kahapon ng madaling-araw nang mag-umpisang masunog ang bahay ng isang Edwin Erfe sa nabanggit na lugar makaraang makatulugan nito ang sinindihang kandila. Dahil sa pawang gawa sa kahoy ang mga kalapit-bahay at bunsod ng malakas na ihip na hangin ay mabilis na kumalat ang apoy na ikinadamay ng may 500 pang kabahayan.
Tumagal ng mahigit sa anim na oras ang sunog na tumawid pa sa kabilang kalye sa Damata St.
Tinatayang aabot sa P15 milyon halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog na umabot sa Task Force Charlie ang alarma at naapula lamang dakong alas-10:17 ng umaga. Hanggang sa ngayon ay patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang dalawa pang biktima na pinaniniwalaan ding natupok sa sunog. (Rose Tamayo-Tesoro)