Sa loob lamang ng 12-oras ay mahigit sa P2 milyong halaga ng ari-arian ang naabo at mahigit sa 20 pamilya naman ang nawalan ng tirahan sa tatlong insidente ng sunog na naganap kamakalawa sa Caloocan City. Batay sa ulat ng Caloocan City Fire Station, dakong alas-7:30 ng umaga ng maganap ang unang sunog sa bahay ng isang Perla Mayo sa Block 167, Lot 4, Journal St., Senate Ville, Bagumbong ng nabanggit na lungsod. Mahigit sa P.5 milyon ang naabo sa nasabing insidente na hindi pa batid kung ano ang naging sanhi. Dakong alas-10:55 naman ng masunog ang ground floor ng 2 storey building ni Liberata Obando, 52, ng Mulawin St. corner Balite, Amparo Subdivision North Caloocan City na nagresulta sa pagkakaabo ng mahigit rin sa P.5 milyong halaga ng ari-arian. Ang huling sunog ay naitala dakong alas-9:35 ng gabi sa bahay ng isang Leonola Mataganas, 67, sa 63 Ramos St. na nagresulta sa pagkakaabo ng mahigit sa P1 milyong halaga ng ari-arian.
(Rose Tamayo-Tesoro) 3,000 driver dinakip sa anti-smoke belching sa Makati |
Mahigit sa 3,000 tsuper ang dinakip dahil sa paglabag sa anti-smoke belching sa Makati City. Sa naging ulat kahapon ng Makati City Pollution and Control Office, 1,694 sa naturang bilang ay mga delivery van; 1,373 ay mga truck, 320 ay private utility vehicle; 301 ay jeep, 138 ay mga buses at 51 ang taxi. Ayon sa nabanggit na tanggapan mahigpit na pinatutupad ng pamahalaang lungsod ng Makati ang batas sa smoke belching, dahil isa sa pangunahing konsentrasyon nito ay seryosong ipatupad sa lungsod ang clean air act. Sa unang paglabag, P1,000 ang magiging multa at kukumpiskahin ang kanilang plaka o lisensiya, sa ikalawang paglabag ay P2,000 multa at sa ikatlo naman P3,000. Bukod dito suspendihin ang rehistro ng sasakyan.
(Lordeth Bonilla) Lalaking wanted sa murder, timbog |
Nahulog sa kamay ng mga awtoridad ang isang lalaki na wanted sa batas makaraang barilin nito ang isang pintor na himala namang hindi tinamaan kamakalawa ng hapon sa Malabon City. Kasalukuyang naghihimas sa rehas na bakal ang suspect na nakilalang si Ronald Aerombo, 21, ng Sitio 6, Brgy. Catmon ng nabanggit na lungsod. Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:15 ng hapon ng unang barilin ng malapitan ng suspect gamit ang isang .38 kalibre na baril ang isang Allan Se sa nabanggit na lugar na masuwerte namang hindi tinamaan. Kaagad na isinuplong ng biktima sa pulisya ang suspect na nagresulta sa pagkaaresto sa huli. Lumalabas sa rekord ng Malabon City Police na may nakabinbin itong kaso ng pagpaslang nitong kasalukuyang taon, bukod sa ibang mga patung-patong na kaso sa mga nakalipas na taon. Napag-alaman pa na nasa listahan ito ng wanted criminals na matagal nang pinaghahanap ng pulisya.
(Rose Tamayo-Tesoro)