Nursing student inatado

Isang nursing student ng Perpetual Help University ang iniulat na nasawi makaraang saksakin ng dalawang lalaki matapos na mapagkamalang kabilang sa nakalaban nilang grupo, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City. Nakilala ang nasawing biktima na si Eleazar Bigata Jr., 19, ng Acacia St., Brgy. Pamplona ng nabanggit na lungsod. Mabilis namang tumakas ang mga suspect na nakilalang sina Randolf Pabanil at Reynaldo Rumatay. Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:15 ng madaling-araw sa Acacia St., Brgy. Pamplona. Napag-alaman na kausap ng biktima ang ilang kaibigan nang dumating ang mga suspect. Walang sabi-sabing inundayan ito ng sunud-sunod na saksak ng mga salarin na agad na humandusay, habang mabilis na nagsitakas ang mga suspect. Nabatid na napagkamalan lamang ang nasawi na kasama sa nakalabang grupo ng mga suspect sa rambulan na naganap noong nakalipas na Linggo. Isang follow-up operation ang isinasagawa ng pulisya laban sa mga tumakas na suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments