OIC sa Manila North Cemetery sinibak dahil sa nagkalat na bangkay

Sinibak sa puwesto ng pamahalaang lokal ng Maynila ang officer-in-charge (OIC) ng Manila North Cemetery, samantalang suspendido naman ang verifier sa naturang sementeryo matapos madiskubre ang nakakalat na mga bangkay at mga buto ng tao dito.

Ayon kay Assistant City Health Officer Dr. Benjamin Yson, sinipa na sa puwesto si Jorge Amante, OIC ng North Cemetery, samantalang dalawang buwan namang suspendido ang verifier na si Nestor Razon.

Bukod dito, sasampahan din ng mga kasong administratibo, negligence of duty at paglabag sa sanitation code ang dalawa. Maging ang mga security guards na nakatalaga sa naturang sementeryo ay tatanggalin at papalitan na rin ang security agency na nagbabantay dito dahil sa kabiguang mabantayan ang kapakanan ng mga kalansay na inilalabas sa mga nitso.

Nabatid na nakatanggap ng reklamo ang lokal na pamahalaan buhat sa isang concerned citizen na nakakalat lamang na parang basura at nilalanggam pa ang mga buto na hinuhugot sa mga nitso kapag natapos na ang kontrata ng mga ito sa mga lugar na pinaglagakan sa kanila. Bunsod nito kaya’t nagsagawa ng inspeksyon ang Sanitation Division sa sementeryo at natuklasan na nagkalat nga ang mga buto at mga bangkay dito na isang panganib sa kalusugan. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments