Ang bagong patakaran na ipinatupad kahapon ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Alfonso Cusi ay bunsod ng pinakabagong pilferage incident kung saan ang biktima ay ang Saudi Arabian ambassador na ninakawan ng mamahaling Rolex watch at iba pang mahahalagang gamit sa check-in baggage.
Ayon kay Cusi, panahon na umano para higpitan at paigtingin ang seguridad sa ramp areas ng NAIA para maiwasan ang anumang tangkang pagdukot sa mga laman ng mga bagahe at iba pang kahalintulad na insidente.
Ang hakbang, dagdag pa ni Cusi ay nangangahulugan lamang na maitama ang ipinatutupad na control measures ng MIAA sa panibagong edisyon ng Airport Security Program na nagtataglay ng mga bago at mabisang panuntunan,
Sa ginawang paghihigpit, ipinagbawal na sa lahat ng mga tauhang nakatalaga sa ramp areas ang pagdadala ng bag o anumang bitbitin na naglalaman ng mga personal na gamit; lahat ng mga gamit ng ground handlers o baggage handlers ay ipapasailalim sa pagsusuri; bawal nang magdala ng pagkain o kumain sa naturang lugar at off limits na sa mga airport workers na walang access. (Butch Quejada)