Pulis na nakasibilyan, bawal magbitbit ng baril

Binalaan kahapon ni NCRPO chief Director General Vidal Querol na mahaharap sa pag-aresto ang mga nakasibilyang pulis na mahuhuling nagbibitbit ng armas sa Metro Manila. Sinabi ni Querol na ang hakbang ay naglalayong mabawasan ang bilang ng mga armas sa mga lansangan. Binanggit pa nito na tanging ang mga pulis na nakauniporme at naka-duty lamang ang pinahihintulutang magdala ng mga armas. Ibinulgar pa ni Querol na karaniwan na umanong nagpapanggap na mga pulis ang mga sibilyan at kriminal na nagbibitbit ng mga baril upang makaiwas sa pag-aresto ng mga awtoridad. Idinagdag pa nito na bahagi na rin ito ng pagdisiplina sa mga pulis na kahit na hindi naka-duty at naka-uniporme ay ibinabandera pa sa mga lansangan ang kanilang mga armas. (Joy Cantos)
Life Assurance Company binulabog ng bomb threat
Pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Life Assurance Company makaraang mabulabog ang mga kawani nito dahil sa sunud-sunod na bomb threat kahapon ng umaga sa mga sangay nito sa Quezon City , Makati at sa Muntinlupa City. Dakong alas-9:45 ng umaga ng makatanggap ng tawag sa telepono ang isang sangay ng naturang kompanya na nasa Filinvest Corporate City, Alabang Muntinlupa na nagsabing may itinanim na bomba sa gusali. Dahil sa takot nabulabog at nagmamadaling nagbabaan ang mga kawani nito. Pagsapit ng alas-10 ng umaga ang isa pang sangay ng Life Assurance Company na matatagpuan naman sa Ayala Avenue, Makati City ang nakatanggap ng bomb threat. Nauna ng nakatanggap ng bomb threat ang sangay nito sa Quezon City. Dahil sa mga banta ay pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng nabanggit na kompanya. Sa isinagawang pagresponde ng mga awtoridad negatibo naman sa anumang uri ng bomba ang kanilang mga tanggapan. (Lordeth Bonilla)
Querol dapat magtikom ng bibig – Solon
Hinamon ng isang Muslim solon si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Vidal Querol na itikom ang bibig at magtrabaho na lamang. Ito ay sinabi ni Anak Mindanao Representative Mujiv Hataman nang ianunsiyo ni Querol sa publiko na maging maingat sa pinatinding kampanya laban sa mga terorista upang hindi madamay ang mga inosenteng Muslim. Ayon kay Hataman, ang pahayag na ito ni Querol ay malamang na magdulot lamang ng maling mensahe sa publiko at ekonomiya ng bansa. Umapela naman si Hataman sa pulisya na maging maingat sa "crackdown" sa mga terorista dahil karaniwang tinatamaan ng mga pang-aabuso at panggigipit ang mga inosenteng Muslim. Duda rin si Hataman sa pahayag ni Querol sa banta ng terorismo kaya nagsasagawa ang kapulisan ng drills sa malls at iba’t ibang lugar bilang paghahanda sa atake ng terorismo. Naniniwala si Hataman na hindi malayong bahagi ang pahayag ni Querol para i-lobby ang paglusot ng kontrobersiyal na Anti-Terrorism Bill na nakabimbin sa Senado. (Angie dela Cruz)

Show comments