Ito ay dahil unti-unti nang nagkakalinaw ang kaso sa naturang krimen matapos na isa-isa nang lumutang ang mga testigo na mag-uugnay kung sino ang posibleng nasa likod ng Albano slay.
Sa isang panayam, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) P/CSupt. Nicasio Radovan na isa-isa nang nagbibigay ng kani-kanilang testimonya ang mga testigo at saksi hinggil sa naganap na pagpatay sa alkalde noong nakaraang Martes.
Kaugnay nito ay binawi ni Radovan ang naunang pahayag nito na bigyan lamang ng pamilya ni Albano ang mga awtoridad ng 72-oras upang malutas ang nasabing krimen bunga na rin ng pagdami ng mga lumutang na testigo na nagnanais na magbigay ng pahayag hinggil dito. Ito ay dahil humirit ng dalawang araw si Radovan upang matapos ang isinasagawang imbestigasyon at makakalap na ng ibang ebidensiya na maaaring tumukoy sa utak ng krimen.
Sinabi pa ni Radovan na marami nang testimonya mula sa bystanders at empleyado ng Villa Estela Bar and Restaurant ang nagbigay ng mga pahayag bago naganap ang pagpaslang sa alkalde. Kaugnay nito ay masusing pinag-aaralan ng QCPD at ng Ilagan, Isabela police station kung may kaugnayan ang naturang pamamaslang sa unang tangkang pagpatay kay Albano noong nakalipas na Nobyembre, 2004.
Kahapon ay tuluyan nang dinala sa kanyang tahanan sa Brgy. Bliss, Ilagan, Isabela ang labi ni Albano upang masilayan ng mga kababayan nito. (Angie dela Cruz)