Ang naganap na krimen ay nakuhanan ng buo ng closed circuit camera na nakalagay sa loob ng Explor @ J.P Internet Shop na pag-aari ng nasawing biktima na si Fumio Omino, 50, na matatagpuan sa kahabaan ng Magsaysay Road Gate 5 Karangalan Village, Brgy. Manggahan ng nabanggit na lungsod.
Patuloy namang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center ang hipag ng Hapones na si Rossini Mendoza-Magdael, 28, na nagtamo din ng mga saksak sa katawan buhat sa suspect.
Sumuko naman matapos ang ilang oras na pagtatago ang suspect na nakilalang si Matias Hicale, 41, ng 328 Jasmin St., Nieves Hills Subdivision, Brgy. San isidro, Angono, Rizal.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Carlos Atanacio, naganap ang insidente dakong alas-11:45 ng gabi sa loob ng nasabing computer shop ng komprontahin ng nasawing biktima ang suspect hinggil sa nawawalang pera na iniwan nito sa loob ng kaha ng internet shop na mariin namang itinanggi ng huli na siya ang kumuha. Ilang minuto ang nakalipas ay may ibinigay na pera ang Hapones kay Hicale na huling suweldo na pala nito, dahil pinapaalis na siya sa trabaho.
Doon nagdilim ang paningin ng suspect kung saan ilang beses na inundayan ng saksak ang Hapones sa kabila ng pag-awat ni Magdael na nahagip din ng mga saksak sa katawan at hita.
Matapos ang insidente agad na kinuha ng suspect ang mga personal niyang gamit at mabilis na tumakas subalit makalipas ang may limang oras ay tumawag ito sa himpilan ng Cainta Police at sinabing nasa bahay niya siya sa Angono, Rizal at siya ay susuko na. (Edwin Balasa)