Nabatid na dakong alas-10 ng umaga nang mag-umpisang magbuo ng puwersa ang mga raliyista buhat sa Lopez, Quezon sa may Mabuhay Rotonda at sinamahan ang mga ito ng ibat ibang militanteng grupo.
Nag-umpisang magmartsa ang grupo sa kahabaan ng España Avenue sa Sampaloc, Maynila at nagawang makalagpas sa unang barikada ng mga pulis sa may P. Noval St. matapos na madaig ng kanilang 5,000 puwersa.
Kasabay naman ng pag-iiringan ng dalawang grupo, daan-daan namang commuters ang naperwisyo makaraang harangan ng mga awtoridad ng fire truck ang kahabaan ng España na ipinangharang sa mga raliyista. Gayunman, nakalusot pa rin ang mga ito na siyang pinagsimulan ng matinding girian.
Grabeng trapik ang idinulot ng naturang rali na ikinagalit ng maraming mga commuters.
Muling naharang ang mga raliyista sa may Bustillos St. sa paanan ng Mendiola na doon na nga sumiklab ang karahasan na paluin at bombahin ng tubig ng mga pulis ang mga militante na nagpipilit na makalapit sa Palasyo ng Malacañang. Gumanti naman ang ilang mga militante habang nakalusot patungo sa Legarda Avenue ang ilan nilang mga kasamahan.
Dito na nagkaroon ng negosasyon hanggang sa mapagkasunduan na sa Legarda Avenue na lamang, magsagawa ng maigsing program ang mga raliyista.
Nakadagdag pa sa pagsisikip ng trapiko ang ginagawang checkpoint ng mga pulis sa mga pampublikong jeep at bus na dumadaan sa España at mga nakamotorsiklo upang matiyak na hindi malulusutan ng mga raliyista at mga nais maghasik ng karahasan.
Matatandaan na itinaas sa full alert status ang buong puwersa ng PNP dahil sa ulat na pagdating ng isang grupo ng internasyunal terrorist na sinasabing magsasagawa ng pambobomba sa ibat ibang lugar sa Metro Manila at paglikida sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan. (Danilo Garcia/Gemma Amargo-Garcia)