Kasalukuyang inoobserbahan sa Far Eastern University (FEU) Hospital sa Quezon City, sanhi ng isang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa nababatid na kalibre ng baril ang biktima na si Myla Rabang, financial analyst ng Thompson Corporation at nakatira sa Block 5, Lot 29, Shelterville, Bagumbong, nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Caloocan City Police, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang tambangan si Rabang ng isang grupo ng armadong kalalakihan na pawang sakay ng isang tricycle.
Nabatid na kasalukuyang sakay ng kanyang L-300 Van na may plakang TJF-588 ang biktima na minamaneho ng kanyang driver na si Kate Adriano.
Binabagtas ng mga ito ang kahabaan ng Paraiso St., Sampaguita Subd., Camarin, Caloocan City nang tambangan ng hindi kilalang mga suspect.
Pinara umano ng mga suspect ang sasakyan ng biktima subalit hindi tumalima si Kate at sa halip ay mas pinasibad nito ang sasakyan at dito binaril ng mga suspect ang kanang bahagi ng sasakyan na kinauupuan ni Rabang.
Nasapol sa ulo si Rabang, habang agad namang tumakas ang mga suspect sakay ng kanilang tricycle na walang plaka.
Agad na dinala ni Kate si Rabang sa Nodado Gen. Hospital, subalit agad na inilipat din sa FEU Hospital dahil sa maselang kalagayan ng huli.
Kasalukuyan namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang alamin ang pagkakakilanlan ng mga suspect at ang motibo ng mga ito sa pananambang sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)