Binigyang-diin ng DoJ na mayroong kinalaman sa pagpatay kay Nida Blanca ang kaibigan nitong si Elena dela Paz, na una ng kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-CIDG bilang accomplice.
Iginiit pa ng DoJ na walang mabigat na ebidensiya na naiprisinta si dela Paz upang baguhin ang naunang rekomendasyon ng prosecution laban dito.
Sa inihaing motion ni dela Paz, sinabi nito na wala siyang dahilan o motibo upang planuhing patayin ang kaibigang si Blanca at maituturing umanong mga espekulasyon lamang ang pinagbatayan para siya isama sa naturang kaso.
Si dela Paz ay nagsilbi kay Blanca sa loob ng 40-taon kung saan ito rin ang naging personal na alalay ng naturang aktres. Bukod kay dela Paz, kasamang akusado sina Rod Strunk, asawa ng aktres; Philip Medel Jr. na kasalukuyang nakapiit sa Rizal Provincial Jail at ret. Gen. Galileo Kintanar. (Grace Amargo dela Cruz)